Tuesday, June 27, 2017

Manok o Pag-ibig?


Kung ikaw ang papipiliin sa dalawa, sabong o pag-ibig, ano ang pipiliin mo? Handa ka bang isuko ang iyong passion alang-alang sa pag-ibig? O magagawa mong piitin ang iyong damdamin at ipagpalit mo ito sa manok? Di ba’t ang hirap mamili sa dalawa? Pero nasa iyo naman ‘yun kung ano ang iyong mas pinapahalagahan, manok mo ang taong iyong minamahal. 

Kung ikaw ay isa pang single, piliin ang tao na makakaunawa sa iyong passion dahil kung hindi malamang magkakaroon ka ng problema sa hinaharap. Dapat niyang maunawaan na ang sabong ay hindi basta isang sugal kundi isa itong lehitimong sport. Habang maaga pa ay ipaalam mo na ang iyong pagmamanok. Ipaliwanag nang mabuti na ang sabong ay hindi masama gaya nang sinasabi ng iba. Kung mahal ka naman niya talaga, tatanggapin ka niya kasama ang iyong mga manok. Hindi maaaring tatanggapin niya lang ang gusto niyang tanggapin sa iyo tapos ang iba ay iri-reject niya. Mapalad ka kung ang gusto mong makapareha ay may sabungero sa kanilang pamilya dahil ‘di na magiging isyu ang iyong pagmamanok.

Marami na tayong narinig na mga kuwento na iniwanan ng babae si lalaki dahil tutol ito sa pagsasabong ng kapareha. Nagrireklamo sila na napapayaan na sila dahil sa manok. Mas marami raw kasing oras ang kanilang asawa o boyfriend sa manok kaysa sa kanila. Mas madalas pa raw ang mga ito na magpunta sa kanilang manukan o sa sabungan kaysa pumirme sa kanilang tabi. Kumbaga, mas gustong humimas ng manok kaysa himasin ang kanilang kapareha, hehe.

`           Kung tutuusin, hindi naman magiging problema ang pagmamanok kung ibabalanse mo lang ang iyong oras. Huwag puro manok, bigyan din ng oras ang kapareha. Kung ang manok, nangangailangan ng atensyon siyempre lalo na ang tao. Tama ang kasabihan na lahat ng labis ay nakasasama. Huwag hayaang mawasak ang relasyon dahil sa pagmamanok o pagsasabong. Kung nakikita nilang hindi naman nakasisira ng relasyon ang pagmamanok, tiyak na susuportahan ka ng minamahal mo. Importante rin na huwag galawin ang budget na nakalaan para sa iyong pamilya. Ang ipang-sabong lang ay ang sobra sa inyong pangangailangan. Kapag nananalo naman sa derby, unahing i-treat ang pamilya bago ang barkada o sino pa man.

Sa huli, hindi mo na kailangang mamili kung sabong ba o pag-ibig kung puwede mo naman itong pagsabayin. Ang kailangan lang ay time management at tamang paghawak ng salapi.

No comments:

Post a Comment