Monday, June 26, 2017

Husay ng Isang Lancey Dela Torre


Nakilala si Lancey Dela Torre ng Red Foot Game Farm dahil sa kanyang Boston Roundhead dahil sa husay nitong lumaro. Hanggang ngayon ay marami pa ring mga sabungero na ang linyadang ito ang hinahanap at kinukuha sa kanya.  Pero  alam n’yo ba mga kasabong na bago maging isang breeder si Lancey ay naging mananari muna siya?

Bata pa lang si Lancey ay namulat na siya sa mundo ng sabong dahil na rin sa impluwensiya ng kanyang lolo na isang sabungero. Nagsimula siyang magsasali sa sabong noong makatapos siya ng haiskul. Nag-umpisa ito nang makabili siya ng murang manok sa isa niyang kapitbahay saka niya ito inilaban sa sabungan.

Magaling na mananari si Lancey kaya maraming malalaking breeder ang nagtiwala sa kanya. Nakapagtari siya sa mga bigtime na sabungero gaya nina Felix Trebol, Mayor Nonoy Jalandoni at iba pa. Nakapagtrabaho pa nga siya kay Nene Abello sa loob nang mahigit limang taon. Maliban dito ay nagtrabaho rin siya kay D.O. Plaza na itinuturing niyang kanyang guro. Marami kasi siyang natutunan dito kabilang na ang pagpapalahi ng manok.

Bilang mananari, naniniwala si Lancey na mahalagang bagay ang linyada ng manok para manalo sa laban. Pero ‘di rin maikakaila na mahalaga ang papel ng tari. Ang tari kasi ang nagsisilbing sandata ng manok. ‘Di ba’t kapag nagkamali ng kabit ng tari ay problema na?

Ang maganda kay Lancey, bagama’t tinitingala na siya ng mga sabungero ay nananatili pa ring nakatapak ang kanyang mga paa sa lupa. Hindi niya pa rin nalilimutan ang una niyang naging trabaho at ito nga ay ang pagtatari. Paminsan-minsan kasi ay nagtuturo siya sa mga seminar kung paano magtari.

Bago maging isang fulltime breeder, nagsilbi si Lancey bulang isang pulis sa loob ng siyam na taon. Pero ipinagpalit niya ang kanyang  career niyang ito sa mga manok. Proud siya na ang pagmamanok na ang ibinubuhay niya sa kanyang pamilya. Si Lancey ang tipo ng magmamanok na hindi mahilig sa sugal. Kumbaga, ang pagmamanok sa kanya ay isang purong negosyo.

Sa mga anak ni Lancey ay nahihilig sa manok, pero ayos lang naman ito sa kanya. Basta siya ay ipagpapatuloy lang niya ang pagmamanok hangga’t mayroon siyang lakas.






                

No comments:

Post a Comment