Thursday, June 29, 2017

Sabungero, Napatalon sa Ruweda Dahil Hinabol ng Manok

                                    
     Likas na sa manok-panabong ang pagiging matapang, pero ang iba ay nasobrahan gaya ng mga manok na tinatawag na manfighter.

   Kumakalat ngayon ang video na ipinost ng Danified FB page kung saan makikita ang manok na imbes na ang kalabang manok ang sugurin ay ang tao pa ang sinugod nito. Napatalon tuloy ang sultador sa ruweda para makaiwas sa palo ng manok.

    Nang aktong kukunin nan g sentensyador ang manok ay pumorma ito para pumihit ng palo. Napaatras tuloy ang sentensyador.


Panoorin ang video:

Tuesday, June 27, 2017

Manok o Pag-ibig?


Kung ikaw ang papipiliin sa dalawa, sabong o pag-ibig, ano ang pipiliin mo? Handa ka bang isuko ang iyong passion alang-alang sa pag-ibig? O magagawa mong piitin ang iyong damdamin at ipagpalit mo ito sa manok? Di ba’t ang hirap mamili sa dalawa? Pero nasa iyo naman ‘yun kung ano ang iyong mas pinapahalagahan, manok mo ang taong iyong minamahal. 

Kung ikaw ay isa pang single, piliin ang tao na makakaunawa sa iyong passion dahil kung hindi malamang magkakaroon ka ng problema sa hinaharap. Dapat niyang maunawaan na ang sabong ay hindi basta isang sugal kundi isa itong lehitimong sport. Habang maaga pa ay ipaalam mo na ang iyong pagmamanok. Ipaliwanag nang mabuti na ang sabong ay hindi masama gaya nang sinasabi ng iba. Kung mahal ka naman niya talaga, tatanggapin ka niya kasama ang iyong mga manok. Hindi maaaring tatanggapin niya lang ang gusto niyang tanggapin sa iyo tapos ang iba ay iri-reject niya. Mapalad ka kung ang gusto mong makapareha ay may sabungero sa kanilang pamilya dahil ‘di na magiging isyu ang iyong pagmamanok.

Marami na tayong narinig na mga kuwento na iniwanan ng babae si lalaki dahil tutol ito sa pagsasabong ng kapareha. Nagrireklamo sila na napapayaan na sila dahil sa manok. Mas marami raw kasing oras ang kanilang asawa o boyfriend sa manok kaysa sa kanila. Mas madalas pa raw ang mga ito na magpunta sa kanilang manukan o sa sabungan kaysa pumirme sa kanilang tabi. Kumbaga, mas gustong humimas ng manok kaysa himasin ang kanilang kapareha, hehe.

`           Kung tutuusin, hindi naman magiging problema ang pagmamanok kung ibabalanse mo lang ang iyong oras. Huwag puro manok, bigyan din ng oras ang kapareha. Kung ang manok, nangangailangan ng atensyon siyempre lalo na ang tao. Tama ang kasabihan na lahat ng labis ay nakasasama. Huwag hayaang mawasak ang relasyon dahil sa pagmamanok o pagsasabong. Kung nakikita nilang hindi naman nakasisira ng relasyon ang pagmamanok, tiyak na susuportahan ka ng minamahal mo. Importante rin na huwag galawin ang budget na nakalaan para sa iyong pamilya. Ang ipang-sabong lang ay ang sobra sa inyong pangangailangan. Kapag nananalo naman sa derby, unahing i-treat ang pamilya bago ang barkada o sino pa man.

Sa huli, hindi mo na kailangang mamili kung sabong ba o pag-ibig kung puwede mo naman itong pagsabayin. Ang kailangan lang ay time management at tamang paghawak ng salapi.

Monday, June 26, 2017

Hiwaga ng Sabong

                                       
           Naaalala mo pa ba kung paano ka nagkainteres sa sabong? Marahil ay kagaya ka rin ng iba na naimpluwensiyahan ng isa sa iyong mga kaanak, kaibigan o ‘di-kaya’y kapitbahay. Marami sa atin, namulat sa pagmamanok noong nasa elementarya pa lang. Pero meron din naman na mga late bloomers na. Pero wala naman ‘yung kaso, walang bata at matanda sa sabong. Ang importante ay kaisa ka sa sport na ito.

Meron din naman mga nagsasabi na noong una ay ayaw nila ng sabong dahil naniniwala sila na ito ay isang uri lang ng sugal. Pero nang ito ay kanilang maintindihan, tinnggap din nila ito at nabago ang kanilang mga pananaw. Ngayon, isa rin sila sa mga nalilibang at aktibo sa pagsali sa mga derby. Ang mga dating ayaw sa sabong ay masugid na ngayong tagapag-tanggol nito.

Bakit kaya ang hirap ipaliwanag kung ano ang nararamdaman natin para sa ating mga manok-panabong? Tila baga walang salita na makapagpaliwanag nito kahit malawak pa ang ating mga bokabularyo. Ang nalalaman lang natin ay napakasayang magpalaki ng sisiw hanggang dumating ang panahon na dadalhin na natin sila para ilaban.

Sadya yatang ang saya at kasabikan ay ‘di natatapos kapag ikaw ay isang sabungero. Angg bawat sandali para sa atin ay isang adventure ‘ika nga. Bagama’t kapag nagsasabong tayo ay walang katiyakan kung mananalo ba tayo o matatalo. Alam kasi natin na maging ang ating kalaban ay naghanda rin nang husto. Pero ‘di tayo natatakot sa kanila bagkus ay itinuturing natin ito bilang isang hamon. Kapag natalo tayo, isa itong pagkakataon para linangin pa natin ang ating kakayahan. Yamang ang sabong ay ‘di nawawala. Kumbaga, laging may next time.

Dumating na rin ba sa punto na minsan ay naisip mo nang iwanan ang mundo ng sabong dahil sa mga problema na nararanasan sa pagmamanok? Maaaring ito ay hinggil sa pinansyal, problema sa kalusugan o anumang balakid. Halos gusto mo talagang sumuko, pero bigla mo ring maiisip na ayaw mong iwan ang pagmamanok dahil itinuturing mo na ito na parte ng iyong sarili. Na kapag nawala ay para bang may kulang sa buhay mo.

Para sa iba tinatawag nila itong libangan o ‘di kaya’y passion. Pero hindi lang naman ang mismong pagmamanok ang masaya rito kundi pati na rin ang mga tao na nakilala natin sa pamamagitan ng sabong. Ang ilan sa kanila ay ating mga naging kaibigan, financier, business partner at iba pa. Marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit naririto pa rin tayo at nagsasabong ay para lasapin ang sayang dulot nito at sisirin ang misteryong bumabalot dito!

Husay ng Isang Lancey Dela Torre


Nakilala si Lancey Dela Torre ng Red Foot Game Farm dahil sa kanyang Boston Roundhead dahil sa husay nitong lumaro. Hanggang ngayon ay marami pa ring mga sabungero na ang linyadang ito ang hinahanap at kinukuha sa kanya.  Pero  alam n’yo ba mga kasabong na bago maging isang breeder si Lancey ay naging mananari muna siya?

Bata pa lang si Lancey ay namulat na siya sa mundo ng sabong dahil na rin sa impluwensiya ng kanyang lolo na isang sabungero. Nagsimula siyang magsasali sa sabong noong makatapos siya ng haiskul. Nag-umpisa ito nang makabili siya ng murang manok sa isa niyang kapitbahay saka niya ito inilaban sa sabungan.

Magaling na mananari si Lancey kaya maraming malalaking breeder ang nagtiwala sa kanya. Nakapagtari siya sa mga bigtime na sabungero gaya nina Felix Trebol, Mayor Nonoy Jalandoni at iba pa. Nakapagtrabaho pa nga siya kay Nene Abello sa loob nang mahigit limang taon. Maliban dito ay nagtrabaho rin siya kay D.O. Plaza na itinuturing niyang kanyang guro. Marami kasi siyang natutunan dito kabilang na ang pagpapalahi ng manok.

Bilang mananari, naniniwala si Lancey na mahalagang bagay ang linyada ng manok para manalo sa laban. Pero ‘di rin maikakaila na mahalaga ang papel ng tari. Ang tari kasi ang nagsisilbing sandata ng manok. ‘Di ba’t kapag nagkamali ng kabit ng tari ay problema na?

Ang maganda kay Lancey, bagama’t tinitingala na siya ng mga sabungero ay nananatili pa ring nakatapak ang kanyang mga paa sa lupa. Hindi niya pa rin nalilimutan ang una niyang naging trabaho at ito nga ay ang pagtatari. Paminsan-minsan kasi ay nagtuturo siya sa mga seminar kung paano magtari.

Bago maging isang fulltime breeder, nagsilbi si Lancey bulang isang pulis sa loob ng siyam na taon. Pero ipinagpalit niya ang kanyang  career niyang ito sa mga manok. Proud siya na ang pagmamanok na ang ibinubuhay niya sa kanyang pamilya. Si Lancey ang tipo ng magmamanok na hindi mahilig sa sugal. Kumbaga, ang pagmamanok sa kanya ay isang purong negosyo.

Sa mga anak ni Lancey ay nahihilig sa manok, pero ayos lang naman ito sa kanya. Basta siya ay ipagpapatuloy lang niya ang pagmamanok hangga’t mayroon siyang lakas.






                

Sunday, June 25, 2017

Watch: Ang Eskandalosong Sabungero

                                  

     Ang sabong na yata ang isa sa pinakamasayang sport sa mundo. Kitang-kita naman 'yan kapag pumapasok ka ng sabungan. Wari bagang may kung ano'ng klaseng emosyon na pumapasok sa pagkatao ng sabungero. Mayroong pa ngang mga napapa-tumbling at mga naghuhubad dahil sa sobrang kasiyahan.

     Sa video na mapapanood, isang Mehikanong sabungero ang tila ba nagwawala o sabihin na nating parrang nag-i-eskandalo. Sigaw kasi nang sigaw habang nanonood ng laban at parang mangiyak-ngiyak pa. Kalaki-laki ng katawan tapos ganito, hehe. Sabi nga nang mga nakapanood na sa video ay baka nakasangla ang bahay at lupa nito kaya masyadong hysterical.

Panoorin ang video:

Saturday, June 24, 2017

Kakaibang Gamefowl Training, Ok na Ok!

     
       Ang bawat sabungero ay may kanya-kanyang istilo nang pagsasanay o pagkukundisyon ng kanilang manok. Mayroong nagsasampi, nagkakaskas o 'di kaya'y pinapalipad nang mataas ang kanilang mga manok para maging maangat ito sa aktuwal na laban. Mayroon ding naniniwala sa hard training dahil naniniwala silang 'di dapat binibeybi ang manok dahil sa giyera sila sasabak. Kumbaga sa sundalo matinding training ang kanilang pinagdaanan bago isabak sa laban.

     Pero mayroon ding mga sabungero na ang gusto ay maiba kagaya na lang nang mapapanood sa video na mistulang hinihilo ang kanyang manok sa pamamagitan ng pagsasabit ng manok saka papaikutin para habulin nang sinasanay na manok. Marahil ito ay para sa foot work, para maging mabilis ang kilos ng manok.

Panoorin ang video:

Thursday, June 22, 2017

Sabong sa Burol ng Isang Sabungero, Viral sa Internet!


Sinasabing ang sabong ay passion kaya’t hanggang sa huli ang pagmamanok ay dala-dala ng sinumang tunay na sabungero. Pero alam mo ba na sa pambihirang pagkakataon ay mayroong isang sabungero na dinala hanggang sa kanyang kamatayan ang pagmamanok?

Viral ngayon ang video na ipinost ng Facebook page na Gallos Pasion del Mundo na sa burol ng isang Mehikanong sabungero ay nagpasabong pa ang mga kamag-anak nito. Marahil ang namayapa nilang kaanak ay napakahilig sa sabong noong ito pa ay nabubuhay.


Totoo ngang hindi natin madadala ang anuman sa hukay, pero puwede namang ipakita sa madla kung ano ang passion mo noong ikaw pa ay nabubuhay. Ikaw kasabong, gusto mo rin bang maging kagaya nito ang iyong burol kung sakaling ikaw ay namayapa na?

Panoorin ang video:

Trending: Karambola, Olala!


Karambola, ito ‘yung paglalaban-laban ng higit sa dalawang manok. Kumbaga sa wrestling ay royal rumble. Matira, matibay ‘ika nga nila.

Patuloy na kumakalat at pinag-uusapan ang video ng karambola na ibinahagi ng Sabong Ngayon page. Naagaw nito ang atensyon ng maraming sabungero dahil hindi ito isinagawa sa sabungan kundi sa isang patupada. Sinasabing kuha ito sa isang fiesta ng kung saan mang lugar. Bagama’t may mga natutuwa sa karambola, mayroon ding mga umaayaw dito dahil siguradong hirap ang manok dahil sa dami ng kalaban. Kumbaga kahit ano'ng galing ng manok mo rito ay malabo ang tsansa na manalo dahil sa huli ay isa lang naman ang dapat matira. Hindi gaya sa ordinaryong sabong na dalawa lang ang naglalaban kaya may tsansa ka, sa meron o sa wala lang.

Ikaw kasabong trip mo ba ang karambola?


Panoorin ang video:

Monday, June 19, 2017

Viral: Manok na Walang Tari, Nagpakitang Gilas sa Laban

       
        Likas na sa mga manok ang pagiging matapang. Lumalaban sila, may armas man o wala. Pero kung ikaw ang may-ari ng manok, papayag ka ba na bigyan ng partida ang iyong kalaban? ‘Yung manok mo ilalaban mo na walang tari, habang sa kalaban ay mayroong tari. Ang nasabing laban ay naganap sa Manibaug Paralaya, Porac, Pampanga.

       Usap-usapan ng mga sabungero sa social media ang ipinost na video ng Facebook user na si Tori Sentoki ang patungkol sa laban ng dalawang manok na may tari at wala. Makikita sa video kung paano ipinagtanggol ng walang taring manok ang kanyang sarili. Talaga namang kabilib-bilib dahil sa bandang huli ay napatakbo pa ang kalaban at nang pinapatuka na ng sentensyador ay ayaw nang tumuka. Kaya’t itinanghal napanalo ang manok na walang tari.

Panoorin ang video:

Sunday, June 18, 2017

Bata, Viral sa Internet Dahil sa Kanyang Kuwelang Reaksyon Habang Nasa Tupadahan


Marami sa mga sabungero, bata pa lang ay nag-umpisa nang magmanok. Madalas kasi silang isinasama noon ng kanilang tatay, lolo o tiyo sa sabungan. Kaya naman marami ang naka-relate sa video ng isang bata na kumakalat ngayon sa social media.

Sa video na ipinost ng Facebook user na ang pangalan ay Manok ni Kokong (Ricky O. Forzado), makikita ang isang bata kung makasigaw ay wagas habang pumupusta sa isang pasabong. Kitang-kita sa mukha niya ang kagustuhang manalo ng manok na kanyang tinayaan. Medyo may gigil kasi ito habang nasigaw. Naroon ang excitement ‘ika nga. Makikita rin na may hawak pa siyang isang daang piso. 


Bagama’t may mga natuwa o nakukyutan sa video ng bata, mayroon ding nagsasabi na ang bata pa nito para tumaya-taya sa sabong. Kaya’t dapat diumanong gabayan ng mga magulang ang batang ito. 

Panoorin ang video:

Saturday, June 17, 2017

Trending: Pulang Manok, Kinawawa ng Dalawang Puti


Sa pula, sa puti! Ito ang mga manok na naglaban sa isang viral video na kumakalat ngayon sa sabong community na ipinost ng Facebook fan page na Wakacare. Pero hindi  ito labanan sa pagitan lang ng dalawang puti kundi isa laban sa dalawa. Kapansin-pansin na mistulang pinagkaisahan ng dalawang puti ang nag-iisang pulang manok na sa huli ay natalo rin.

Maraming mga natuwang sabungero sa viral na video na ito dahil naiiba diumano ang laban. May mga nagbiro pa na baka magkapatid ang dalawang puti.


Panoorin ang video:

Tuesday, June 13, 2017

May-ari ng manukan, inireklamo kay Tulfo dahil sa ingay ng mga manok


Isang may-ari ng gamefarm na nagngangalang Gerald Garcia ang inireklamo sa Raffy Tulfo in Action dahil sa ingay ng mga alaga nitong manok-panabong. Ang nasabing farm ay nakatayo sa pagitan ng dalawang subdivision sa Gen.  Trias, Cavite.

Ang mga nagrelakmo ay sina Michael Osburn, isang dayuhan at ang Pinay nitong asawa na si Maria Osburn. Ayon sa mag-asawa, hirap silang makatulog dahil sa ingay ng mga manok. Mabuti raw sana kung sampu lang, ang kaso ay daan-daan ang mga ito. Inilapit na nila ang kanilang problema sa barangay, pero sinabi lang sa kanila na ang bawat Pilipino ay may karapatan na mag-alaga ng manok. Dahil dito ay nagpasya na silang ilapit ang kanilang problema sa programa ng batikang broadcaster na si Raffy Tulfo.

Agad namang inaksyunan ng programa ang problema ng mag-asawang Osburn. Tinawagan nila ang Mayor’s Office ng Gen. Trias at nangako silang gagawan nila ng aksyon ang problema ng mag-asawa. Kaugnay nito, agad nilang kinausap ang may-ari nang inirireklamong may-ari ng farm at nangako namang lilipat na lang ito ng farm. Nagkapirmahan pa sila ng kasulatan para sa nasabing pangako.


Nagpapasalamat naman ang mag-asawang Osburn sa mabilisang action ng Raffy Tulfo in Action. Kung masaya ang mag-asawa ay nakatanggap naman sila ng kritisismo mula sa mga sabungerong nakapanood ng reklamo. Ang mag-sawang Osburn dapat ang nag-adjust dahil baka wala pa sila sa lugar ay nakatayo na ang farm. Pero may mga nagsasabi rin na residential area ang naturang lugar kaya’t karapatan lang nila ang magreklamo kung naiingayan sila sa manok-panabong. 

Panoorin ang video:

Sunday, June 11, 2017

Blue Blade Farm of Engr. Sonny Lagon


Si Engr. Sonny Lagon ng Blue Blade Farm ay isa sa mga kilalang breeder sa bansa. Bago pa man siya maging World Slasher Cup ay marami na siyang naitalang magagandang record sa sabong. Kabilang na rito nang maging Stag Fighter of the Year siya ng UCAP noong 2000 at 2001. Bukod dito naging Cocker of the Year din siya nang naturang grupo mula 2002 hanggang 2003. Minsan na rin siyang naging Breeder of the Year at Stag Fighter of the Year ng  LGBA noong 2010 at 2012. Maliban sa mga ito ay marami pa siyang nakuhang titulo at kampeonato.

Hindi lamang isang breeder si Engr. Sonny Lagon, pinasok na rin niya ang online sabong. Isa siya sa nagmamay-ari ng Sabong Sports at kasama rin sa nagtatag ng World Pitmasters Cup kasama sina Atong Ang, Gerry Ramos at Gov. Eddie Bong Plaza.

Ang Blue Blade Farm ni Engr. Lagon ay matatagpuan sa Brgy. Lorenzo, San Pablo, Laguna. Dalawa ang kanyang farm at magkalapit lang ang mga ito. Una siyang nakilala dahil sa kanyang Sweater, kinalaunan ay nakilala rin ang kanyang Swites o Sweater Whites dahil nagpapanalo rin ito sa sabong.


Halina’t makisilip sa farm ni Engr. Lagon…

Saturday, June 10, 2017

Viral: Mga Manok Naglaban sa Labas ng Ruweda!


Maraming mga netizens ang natuwa sa ipinost na video sa Facebook page na Koleksyong Batangueno. Paano kasi kahit nasa ibaba na ng ruweda ang mga manok ay tuloy pa rin ang laban.

Makikita sa video na matapos makauna ng palo ang isang manok ay napatakbo bigla ang kalaban. Pero sinundan pa rin ito nang nakatamang manok hanggang sa ibaba na sila ng ruweda naglaban. Habang nagbabakbakan ang mga manok ay nagpaalala ang announcer na mag-ingat sa mga taong nakapaligid sa manok at baka matamaan sila ng tari.

Panoorin ang video:

Wednesday, June 7, 2017

Trending: Sultador na Dumampot ng Manok, Muntik Nang Madisgrasya!


         Pinag-uusapan ngayon sa social media ang ginawa ng isang sultador na basta na lang dinampot ang manok kahit ito ay nabitawan na. Makikita sa video na naka-post sa Online Sabungero Ka Ba? Pasok ka Dito. isang sultador na pagkadampot niya ng kanyang manok ay sumusugod na ang kalabang manok habang nagpapalag naman ang hawak niyang manok. Dahil dito ay nagkatakbuhan ang mga nasa gradas para makaiwas sa tama ng tari.

        Wala namang nasugatan sa nangyaring insidente. Pero nakatanggap ng mga negatibong komento ang dumampot ng manok mula sa mga sabungerong nakapanood nito. Anila’y mukhang wala itong tiwala sa kanyang manok kaya’t kinakailangan pa niyang damputin. Dapat daw ay tinamaan na lang ito ng tari para nadala. Dapat din daw ay ‘di na ito pagbitawin pa ng manok.

Panoorin ang video: